Amang humalay sa 2 anak, timbog
Isang 35-anyos na ama ang dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) matapos mabunyag ang ginagawa nitong panghahalay sa dalawa niyang paslit na anak sa Tondo, Maynila.
Nakapiit sa MPD-Station 1 ang suspect na si Freddie Ignacio, tricycle driver, ng Gate 20, Area H, Parola Compound, Tondo, Maynila dahil sa reklamo ng kanyang dalawang anak na sina Ann, 9; at Grace, 11, kapwa Grade III pupil sa Rosario Almario Elementary School.
Sa ulat, dakong alas- 11:30 ng tanghali nang damputin ang suspect sa loob ng kanyang bahay.
Nabatid na nag-ugat ang pagkakadiskubre sa isinasagawa nitong krimen nang ikuwento ng mga biktima sa kaklase ang paulit-ulit umanong panghahalay sa kanila ng ama at ang kaklase nito ang nagkuwento naman sa kanilang guro.
Nang makumpirma sa mga biktima ay agad itong ipinagbigay alam kay Mary Jane Bienavidez, ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) na nag-report naman sa pulisya.
Ayon salaysay ng dalawang bata, noong Oktubre pa noong isang taon ay sinimulan silang halayin ng ama. Hindi rin umano ipinaalam sa ina ang pangyayari dahil sa takot sa banta ng suspect na sila ay papatayin. Nitong Hunyo 2008 ay muli umano silang halinhinang ginahasa ng ama kaya muling nabuksan ang usapin sa pagkuku wento ng mga biktima sa kaklase. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending