Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang mahigit sa P65 milyon halaga ng iba’t ibang produktong agrikultura mula sa mga bansang China at Hongkong. Sinabi ni Customs Commissioner Napoleon Morales, umaabot sa 56 containers ang kanilang nasabat kung saan 25 dito ay idineklara bilang mga food ingredients at harina subalit nadiskubre na ang laman nito ay 23,000 mga bag ng unfortified flour at nakapangalan sa Kaye International Trading.
Nilinaw ni Morales na bukod sa pag labag sa mandatory food fortification section ng RA 8976 o mas kilala sa Philippine Food Fortification Act of 2000, hindi rin umano nakarehistro bilang importer ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) simula noong Disyembre 19, 2000.
Idinagdag pa nito na kapag naibenta ang nasabing mga harina sa merkado ay maaari itong kumita ng mahigit sa P18 million at madadaya ang mga mamimili dahil hindi naman unfortified ang mga harina. Nabatid na ang nasabing mga harina ay i-auction sa BFAD-Accredited flour processors na siyang maglalagay sa harina ng vitamin A at iron bago nila ito ibenta sa merkado.
Samantala, tatlo pang containers ng mansanas at tatlo ring containers ng bawang mula sa China na tinatayang umaabot sa P14.7 milyon ang nasabat matapos na mabigo ang mga ito na magpakita ng permit mula sa Bureau of Plant Industry na nakapangalan naman sa Rubills International Inc.
Apat na containers din ng sibuyas na nagkakahalaga ng P10.24 milyon mula sa Hongkong ang nasabat ng BI dahilan sa misdeclaration at pagkabigong makapag presinta ng import permit. Nakapangalan ang kargamento sa Futek Enterprises.
Nasabat din na smuggled goods ang may 19 containers ng Chinese lumber at Chinese cedar na nagkakahalaga ng P19 milyon na nakapangalan sa Wokong Singapore Pte Ltd. Subalit pinabulaanan naman nito na kanya ang naturang kargamento.
Ibinunyag naman ni Morales na modus operandi ng smuggling operators ang paggamit ng mga pangalan ng mga lehitimong importers sa kanilang manipesto karaniwan dito ang PEZA locators upang madala dito ang kargamento at hindi makapagbayad ng buwis. (Gemma Amargo-Garcia)