Patay agad ang isang ama ng tahanan makaraang sumalpok ang sinasakyan nitong motorsiklo sa isang van, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nasawi sanhi ng pagkakabasag ng bungo at pagkabali-bali ng mga buto sa katawan ang biktimang si Eufroni Casis, 53, ng Sun Valley Subd., Parañaque City.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:45 ng umaga nang mangyari ang nasabing insidente habang tinatahak ng biktima ang Domestic Road kanto ng Service Road, Delta Gate lulan ng kanyang motorsiklo na may plakang UQ 3317.
Una umanong tinangkang lagpasan ng biktima ang isang sasakyan hanggang sa maalangan ito nang makasalubong at salpukin ng isang close van na may plakang UHP-673.
Dahil sa lakas ng pagkabangga, nayupi ang harapang bahagi ng van, habang natanggal naman ang manibela ng motorsiklo at tumilapon ang biktima na nagresulta sa agaran nitong pagkasawi. Nang makitang duguan ang nakahandusay na biktima, agad na tumakas ang driver ng van na kinilala ng pahinante nito sa alyas na Jimmy. (Rose Tamayo-Tesoro)