P34,000 pang-tuition ng nursing stude tinangay ng holdaper

Naglahong parang bula ang P34,000 na pinaghirapang pera ng magulang ng isang nursing student na pambayad sana sa tuition fee ng huli nang hindi na nagawa pang mabawi ng operatiba sa isa sa apat na naarestong holdaper na nambiktima sa nasabing estudyante, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Nanlulumo na lamang na nagsampa ng kaso ang biktimang si Isaa Marie Mag­banua, 19, ng Apollo 10, San Gre­gorio Vil­lage, ng nasabing lungsod laban sa isa sa nadakip na suspect na si Rafael Oblea, 23, ng #156 Tramo St., Pasay City.

Ayon sa biktima, alas-8:40 ng gabi nang holdapin siya ng apat na suspect sa harap ng 7-11 convenience store sa EDSA, MRT Station, Pasay City.

Pababa na umano sa hagdanan ng MRT ang biktima nang salubungin ng mga suspect at habang naghihintay umano siya ng masasakyang jeep pauwi ng kanilang bahay, tinutukan siya ng balisong ni Oblea sabay kuha ng tatlong kasama­han nito sa laman ng kanyang bag.

Nang makuha ang pera pati na ang kanyang cell phone ay agad na nagsi­takas ang mga suspect patungo sa direksiyon ng Sarhento Mariano St., Pasay City.

Sa follow-up operation ng mga ta­uhan ng Police Community Precinct (PCP) 6, si Oblea ay nadakip habang ito ay naka-istambay sa Sto. Niño St., ma­lapit sa lugar na pinangyarihan ng pang­ho­holdap, subalit hindi na nabawi pa ang pera at cell phone ng biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments