Namumurong masibak na rin sa kanyang pwesto si Parañaque City Police chief, Supt. Ronald Estilles bunga umano ng kapabayaan nito sa kanyang tungkulin hinggil sa pag-abandona ng kanyang tauhan sa kanilang patrol car sa loob ng isang motel, kamakalawa ng madaling-araw sa Pasay City.
Ito ay matapos kumpirmahin kahapon ni National Capital Region Office (NCRPO) chief Director Geary Barias na hindi “ligtas” sa pananagutan si Estilles sa nasabing insidente.
Ayon kay Barias, parang nakahanap na rin ng “butas” para tuluyan ng masipa sa kanyang pwesto si Estilles na may mahigit sa limang taon na niyang pwesto na ma ikukonsidera umanong “overstaying” na.
Bukod pa rito ay hindi umano angkop sa ranggo ni Estilles ang kanyang pwesto dahil kinakailangang Senior Supt. o katumbas ng full pledge colonel umano ang dapat na umupo bilang hepe ng pulisya sa anumang lungsod ng bansa.
Mas lalo pa umanong nalagay sa balag ng alanganin ang pwesto ni Estilles makaraang mapabayaan nito ang kanyang tauhan na si PO3 Jose Salazar na i-abandona ang kanilang patrol car ng ilang oras sa loob ng isang motel kamakalawa ng pasado alas-3 ng madaling-araw sa Pasay City at magliwaliw naman ang huli kasama ang tatlo pang pulis sa Miss Universal Night Club & KTV Bar sa nabanggit na lungsod. (Rose Tamayo-Tesoro)