Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na suportado at bibigyan din niya ng legal assistance ang dalawang policewoman na nagsagawa ng takeover sa Vitas slaughter house kamakailan sa Maynila.
Ang pahayag ni Lim ay bunsod na rin ng kanyang natanggap na impormasyon na dalawang policewoman ang nasaktan sa takeover nang saksakin ni Joyce Alcoreza, isa sa mga opisyal ng Dealco at kapatid ni Councilor Dennis Alcoreza.
Una nang nagpahayag ng suporta si Lim kay Station 1 commander Supt. Rolando Miranda matapos na makatanggap ito ng mga pagbabanta matapos ang takeover.
Sina PO1 April Francisco at SPO2 Ruby Hilado, ay sinaksak ng ballpen ni Joyce kung kaya’t napilitan ang mga pulis na bitbitin ito palabas ng slaughterhouse.
Ang pamilya Alcoreza ang nagmamay-ari ng Dealco farm sa loob ng mahabang taon subalit ipinasya ng city government na bawiin bunga na rin ng iba’t ibang reklamo kabilang na ang pagiging marumi ng lugar na isa sa mga nakasaad sa kontrata.
Kasabay nito, iginiit din ni City legal officer Renato dela Cruz na hindi rin nagbabayad ng isang porsiyentong city share ang Dealco sa city government na umaabot sa P46 million, upa at real property taxes sa loob ng walong taon.
Bukod dito, nagtayo din ang Dealco ng fitness at recreation center sa ikalawang palapag ng Vitas slaugther house nang hindi nagpapaalam sa city government. (Doris Franche)