Pulis inabandona ang mobile car sa motel, saka nag-inom

Patung-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng isang pulis-Parañaque nang kusang abandunahin nito ang patrol car ng Para­ñaque City Police sa loob ng isang motel at magli­waliw naman ang una kasama ang apat pa katao na kinabibilangan rin ng tatlo pang pulis sa loob ng isang night club, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Nakabukas pa ang zipper ng kanyang unipor­meng pantalon at lango pa sa alak nang humarap ka­hapon, binawian ng kan­yang badge at armas nina  Southern Po­lice District (SPD) Dir. P/C/Supt. Luizo Ticman at Parañaque Police chief Senior Supt. Ronald Estilles ang nasa­bing pulis na si PO3 Jose “Joey” Salazar ng Police Community Precinct 6.

Agad namang sinam­pa­han kahapon ng mga kasong administratibong grave misconduct at un­becoming police officer ang nabanggit na pulis. 

Napag-alaman na da­kong alas-3:15 ng mada­ling-araw nang unang ma­tagpuan ng nagpapatrul­yang pulis ang isang kulay puti na mobile car Toyota Revo na may plakang SHB-971 at Body # 43006 ng Parañaque City Police na nakaparada sa loob ng Harrison Lodge sa F.B. Harrison St., Pasay City.

Habang inuusisa uma­no ng pulis kung sino ang nagparada ng mobile car, biglang lumitaw si PO3 Salazar na nangangamoy alak, kasama ang tatlong naka-type B uniform na mga pulis at isang kinilala lamang sa alyas “James C”.

Lumilitaw naman sa pagsisiyasat na kusang ini­wanan ni Salazar ang pat­rol car sa nasabing motel upang magliwaliw ito sa loob naman ng  Miss Uni­ver­sal Disco Theater and KTV Bar sa nasabing lugar.

Batay naman sa naka­lap na impormasyon, si PO3 Salazar ay una ng na­sangkot sa pagpatay sa isang lalaki sa ginaganap na birthday party ng pa­mang­kin nito sa Protacio St., Pasay City may ilang taon na ang nakalilipas.

Napag-alaman rin na si PO3 Salazar ay nahaha­rap sa patung-patong na ka­ song murder na isinam­pa rin ng kanyang kapwa pulis. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments