Pulis inabandona ang mobile car sa motel, saka nag-inom
Patung-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng isang pulis-Parañaque nang kusang abandunahin nito ang patrol car ng Parañaque City Police sa loob ng isang motel at magliwaliw naman ang una kasama ang apat pa katao na kinabibilangan rin ng tatlo pang pulis sa loob ng isang night club, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakabukas pa ang zipper ng kanyang unipormeng pantalon at lango pa sa alak nang humarap kahapon, binawian ng kanyang badge at armas nina Southern Police District (SPD) Dir. P/C/Supt. Luizo Ticman at Parañaque Police chief Senior Supt. Ronald Estilles ang nasabing pulis na si PO3 Jose “Joey” Salazar ng Police Community Precinct 6.
Agad namang sinampahan kahapon ng mga kasong administratibong grave misconduct at unbecoming police officer ang nabanggit na pulis.
Napag-alaman na dakong alas-3:15 ng madaling-araw nang unang matagpuan ng nagpapatrulyang pulis ang isang kulay puti na mobile car Toyota Revo na may plakang SHB-971 at Body # 43006 ng Parañaque City Police na nakaparada sa loob ng Harrison Lodge sa F.B. Harrison St., Pasay City.
Habang inuusisa umano ng pulis kung sino ang nagparada ng mobile car, biglang lumitaw si PO3 Salazar na nangangamoy alak, kasama ang tatlong naka-type B uniform na mga pulis at isang kinilala lamang sa alyas “James C”.
Lumilitaw naman sa pagsisiyasat na kusang iniwanan ni Salazar ang patrol car sa nasabing motel upang magliwaliw ito sa loob naman ng Miss Universal Disco Theater and KTV Bar sa nasabing lugar.
Batay naman sa nakalap na impormasyon, si PO3 Salazar ay una ng nasangkot sa pagpatay sa isang lalaki sa ginaganap na birthday party ng pamangkin nito sa Protacio St., Pasay City may ilang taon na ang nakalilipas.
Napag-alaman rin na si PO3 Salazar ay nahaharap sa patung-patong na ka song murder na isinampa rin ng kanyang kapwa pulis. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending