Mag-utol nakuryente: 1 patay, 1 kritikal

Patay ang isang 9-anyos na batang lalaki, habang kriti­kal naman ang kalagayan ng kanyang nakababatang ka­patid makaraang mapulu­pu­tan ng isang live wire sa Port Area, Manila, kamaka­lawa ng hapon.

Patay na nang idating sa Ospital ng Maynila ang bikti­mang si Bryan Rivera sanhi ng tinamong 3rd degree burn sa katawan, habang nilala­patan naman ng lunas sa na­banggit na ospital ang kan­yang kapatid na si Rafael, 8.

Sa ulat ni Det. Erwin Cas­tro ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, ban­dang ala-1 ng hapon, noong Linggo Hulyo 27 nang maganap ang insidente sa Tacoma St., Gate 7, South Harbor, Port Area, Manila.

Unang nakita ang mag­kapatid na naglalaro kasama ang iba pang kaibigan hang­gang sa  mapadako ang pag­lalaro sa bodega ng Tacoma.

Bigla na lamang nagsiga­wan ang mga bata nang ma­kita ang magkapatid na nangi­ngisay nang mapuluputan umano ng linya ng kuryente.

Mabilis namang isinugod ng kanilang ama  na si Jovani Rivera ang magkapatid su­balit hindi na nagawang maisalba ang buhay ni Bryan.

Masusi ring iimbestigahan ng MPD ang nasabing establi­simento o may-ari ng Tacoma warehouse upang matukoy ang pananagutan dahil sa pagpapabaya na may naka­lawit na live wire dito.

Show comments