Patay ang isang construction worker habang nasa malubhang kalagayan ang kasama nito makaraang mahulog sila sa mula ika-8 palapag ng ginagawang Marikina Sports Park matapos kumalas ang tinutuntungang scaffolding kamakalawa ng hapon sa nasabing lungsod.
Idineklarang dead-on- arrival sa Amang Rodriguez Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Francisco Binamora, 28, ng Rodriguez, Rizal, habang kasalukuyang agaw-buhay pa rin sa nasabing pagamutan ang isa pa nitong kasama na si Jaime Villacarlos, 52, kapwa mga trabahador ng ginagawang Marikina Sports Park na matatagpuan sa Brgy. Sta. Elena ng nasabing lungsod.
Ayon kay PO1 Nelson Cruz, naganap ang insidente dakong alas-4 ng hapon kamakalawa habang nagtatrabaho ang mga biktima sa labas ng ika-8 palapag ng ginagawang gusali at nakatuntong sa bakal na scaffolding. Bigla na lang umanong nakalas ang dugtungan ng scaffolding at dahil walang anumang nakakabit na safety equipment ay nagtuluy-tuloy na bumagsak ang dalawang biktima sa ground floor dahilan ng pagkakabali ng mga buto sa katawan at pinsala sa ulo.
Agad na isinugod sa pagamutan ang dalawa subalit idineklara ng dead-on-arrival si Binamora, habang hanggang sa kasalukuyan ay nakikipaglaban pa rin kay kamatayan si Villacarlos.