Naglasing muna bago uminom ng lason ang isang waitress na naging dahilan ng kanyang kamatayan dahil umano sa matinding problema sa pamilya sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Patay na bago pa idating sa Tondo Medical Center si Jenalyn Bueno, 19, nakatira sa Pitong Gatang St., Brgy. Sipac ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa salaysay ni Mae Suarez, 19, kaibigan ng biktima, pagkatapos ng kanilang trabaho, niyaya siya ng biktima na mag-inuman muna dahil may mabigat itong problema sa kanyang pamilya na hindi naman nabanggit kung ano ito. Dahil pareho nang lasing, niyaya ni Suarez ang biktima sa kanilang bahay na lamang matulog ang dalaga sa may Pitong Gatang sa nabanggit na lugar.
Dakong alas-10 ng umaga, nagtungo ang biktima sa kusina ng bahay ng kaibigan at sinabi na iinom lamang siya ng tubig, subalit makalipas ang ilang minuto ay narinig ni Suarez na nagsusuka ang biktima pero hindi naman niya pinansin sa akalang dahil lamang sa kalasingan nito.
Hindi nagtagal ay nakita nitong tumumba na ang kaibigan at bumubula ang bibig. Katabi nito ang isang bote na naglalaman ng silver cleaning solution. Mabilis itong isinugod sa pagamutan pero hindi na umabot pang buhay. (Lordeth Bonilla)