Inalerto na kahapon ni PNP chief Director General Avelino Razon Jr. ang lahat ng units ng pulisya kaugnay ng nadiskubreng pagpapakalat ng liquidation squad ng New People’s Army (NPA) sa Metro Manila upang isakatuparan ang kill plot laban kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at iba pang mga opisyal ng gobyerno.
Una rito, ibinulgar ni AFP-National Capital Region Command Chief Major Gen. Arsenio Arugay, ang pagpapakalat ng liquidation squad ng NPA rebels sa Metro Manila upang isagawa ang ‘kill plot’ laban sa matataas na opisyal ng gobyerno kabilang na si Pangulong Arroyo, top brass ng AFP at maging ng PNP.
Ang pagpapakalat ng liquidation squad ng communist rebels ay nabuking sa gitna na rin ng isinasagawang pagpapaigting ng seguridad ng security forces ng pamahalaan kaugnay ng isasagawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo sa Batasan Complex sa darating na Hulyo 28.
Sinasabing ang banta sa buhay ng Pangulo ay planong isagawa ng naturang liquidation squad sa oras na makakuha ang mga ito ng pagkakataon kahit na tapos na ang SONA.
Inihayag ni Razon na pinaiimbestigahan na niya ang report ng AFP kung saan ay inatasan na nito ang PNP Directorate for Intelligence na alamin ang nasabing kill plot ng NPA liquidation squad.
Aminado si Razon na nananatili pa ring numero unong banta sa pambansang seguridad ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). (Joy Cantos)