17-anyos shinotgun ng sekyu

Panibagong kaso ng pamamaril ng security guard ang nadiskubre kahapon makaraang  pa­putukan ng shotgun, mapatay at itapon umano sa dagat ang isang 17-anyos na grade V pupil, ha­bang sugatan ang isang 16-anyos, na pinag­kamalan umanong magnanakaw, sa binabanta­yang tugboat ng una sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang nakalutang na bangkay na si Marvin Balundo, estudyante ng Almario Elemen­tary School, ng Purok 3 Isla Puting Bato, na may tama ng bala ng shotgun sa ulo. Nilalapatan naman ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Jherwin Blado, 16, ng Isla Puting bato, na tina­maan sa balikat ng bala umano ng shotgun.

Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya laban sa dalawang security guard na ­umano sa pamamaril na nakilala lamang ang isa sa alyas “Flat Top”.

Sa ulat ni Det. Steve Casimiro ng Manila Po­lice District (MPD)-homicide Section, dakong alas-4 ng madaling-araw nang makitang palutang-lutang ang biktima sa tubig ng Manila Bay,  sa Isla Puting Bato, Tondo.

Ibinunyag ng mga kasamahan ng dalawang biktima na pawang nasa edad 14, 16 at 17 anyos, na kasama nila ang mga biktima para manguha ng mga plastic at boteng basyo sa gilid ng Manila Bay nang maisipan umano nilang sampahan ang nakaparadang tugboat upang doon maghanap.

Nang makita umano sila ng dalawang security guard ay natakot sila kaya nagkani-kanyang lundag sa tubig at naiwan umano si Balundo. Narinig umano nila ang putok at narinig din ang pagmamakaawa ni Balundo na hindi sila magna­nakaw subalit malapitan umano itong pinutukan.

Nadiskubre na tinamaan din sa balikat si Blado habang si Balundo ay pinaniniwalaang iti­napon na lamang sa dagat nang mapatay. (Ludy Bermudo)

Show comments