Agaw-buhay ang isang barbecue vendor matapos itong ataduhin ng saksak ng kanyang piping kustomer nang hindi maintindihan ng una ang sinasabi ng huli, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) ng Pasay City General Hospital sanhi ng mga tinamong mga saksak sa dibdib ang biktimang si Menandro Malte, 28, residente ng Alfonso St. ng nabanggit na lungsod. Nakapiit naman ngayon matapos madakip ng pulisya ang suspect na si Lorenzo Apostol Jr., 38, residente rin ng nabanggit na lugar.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Pasay City Police, pasado alas-7 ng gabi ng mangyari ang nasabing insidente. Nabatid na bago ito ay nais umanong bumili ng suspect ng tindang barbecue ng biktima nang biglang magtalo ang mga ito matapos umanong mapikon ang pipi dahil hindi maintindihan ng huli ang kanyang sinasabi.
Dahil dito ay bigla na lamang umanong nagsuntukan ang dalawa hanggang sa magbunot na ng patalim ang suspect at agad na inundayan ng saksak sa dibdib ang biktima dahilan upang malagay ngayon sa peligro ang buhay nito. Lumalabas naman sa pagsisiyasat ng pulisya na una umanong tinatanong ng pipi kung magkano ang presyo ng binibiling barbecue at nang hindi siya maintindihan ay biglang itinaob nito ang gamit sa pagba-barbecue ng biktima na naging dahilan ng kanilang pag-aaway na nauwi sa saksakan. (Rose Tamayo-Tesoro)