Isinulong na sa mababang korte ang kasong murder, attempted murder at frustrated murder laban sa isang lalaking bisita sa isang Christmas party at kasabwat nito na nagsuplay ng bala, namaril at nakapatay sa isang pitong taong gulang na batang lalaki at pagkasugat sa dalawa pang katao sa Tondo, Maynila.
Sinabi ni Asst. City Prosecutor Lea D. Llavore na may probable cause upang isampa sa Manila Regional Trial Court ang kaso laban kina Eduardo E. Baldisomo, 30, at Edmundo B. Salvador, kapwa residente ng 1288 Mithi St., Moriones, Tondo.
Sa rekord ng korte, nasawi si Jeric P. Pineda, Grade I pupil, habang nasugatan bunga ng tinamong tama ng bala sina Alfredo M. Abac, 47, at Jose Mario H. dela Cruz, 37, pawang residente ng Kasipagan St., Moriones.
Nabatid na noong gabi ng Disyembre 22, 2007, isang Chritmas party ang ipinagdiriwang sa Kasipagan St. nang mapadaan si Baldisomo at inaya ito bilang bisita sa inuman.
Sa kalagitnaan ng inuman, bigla na lamang nagpaputok ng baril si Baldisomo sa direksiyon ng mga nagkakasayahan.
Sinabi ni Abac na nagulat siya nang biglang bumagsak sa kaniyang tabi ang bata na noo’y nagkakantahan ng awiting pamasko at kasunod niyon ang pagkapuna na may tama din siya ng bala. (Ludy Bermudo)