Dahil sa pag-uusyoso sa nag-aaway na kapitbahay, isang ama ng tahanan ang nasawi habang agaw-buhay naman ang kumpare nito makaraang kapwa pagsasaksakin sila ng isang aburido at nag-amok na mister kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital sanhi ng mga tama ng sasak ng screw driver sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Michael Balbacina, 31, ng #2277 F.B. Harrison St., Pasay City.
Ang kaibigan at kumpare naman nitong si Leonardo Beronibza, 38, residente rin ng nasabing lugar, ay nasa kritikal na kondisyon at nilalapatan ng lunas sa nasabi ring pagamutan.
Naaresto ng mga barangay tanod ang suspek na si Jaime Abrantes Jr., 38, kapitbahay ng mga biktima.
Batay sa imbestigasyon ni PO2 Alberto Barangas Jr., may hawak ng kaso, dakong alas-9:20 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente sa F.B. Harrison.
Nabatid sa imbestigasyon na pauwi ang magkumpare mula sa isang inuman nang mapansin nilang nag-aaway sina Abrantes at ang asawa nito. Sa hindi malamang dahilan ay pinagbalingan ng suspek ang mga nag-uusyusong biktima at inakusahan ang mga ito na sumuntok sa kanya.
Dito ay agad na nangatwiran ang mga biktima na wala silang kinalaman sa ibinibintang ng suspek ngunit hindi sila pinakinggan nito, sa halip ay binunot ng huli ang dalang screw driver at kapwa inundayan ng saksak ang nabiglang magkaibigan. (Rose Tamayo-Tesoro)