Security ni GMA binugbog
Bugbog-sarado ang inabot ng isang miyembro ng Presidential Security Group sa apat na lalaki matapos na sawayin ng biktima ang mga suspek sa pagsisigawan malapit sa Malacañang kahapon ng madaling araw sa San Miguel, Maynila.
Nahaharap sa mga kasong direct assault, physical injuriy at trespassing ang mga suspek na sina Ronaldo Sagun, 21; Japhet Santiago, 21; Mark Anthony Lopez, 21; at isang hindi pa nakikilalang kasama nila matapos silang ireklamo ni Staff Sgt. Ernesto Aquino, miyembro ng Philippine Marine at nakatalaga sa Malacañang Palace.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ni SP02 Rene Buenaventura ng Manila Police District station 8 na dakong alas-12:30 ng madaling- araw nang maganap ang insidente sa Arias st. San Miguel.
Naglalakad ang mga suspek galing sa isang birthday party nang pagtapat nila sa Palasyo ay biglang nagsigawan ang mga ito kaya sinaway sila ni Aquino.
Subalit, sa halip na tumahimik, nagsalita ang isa sa mga suspek at sinabihan si Aquino ng “anong pakialam mo?” hanggang sa mauwi sa pagsasagutan ng mga ito na humantong sa bugbugan.
Naawat lamang ang gulo ng rumesponde ang mga kasamang PSG ni Aquino at kinaladkad patungong barracks ng PSG ang tatlong suspek habang nakatakas naman ang isa pa nilang hindi nakilalang kasama.
- Latest
- Trending