Tinatayang mahigit sa 10-kabahayan ang tinupok ng apoy matapos gumuho ang nagbabagang bato at yero at muling nagliyab sa nasunog na shopping mall kahapon ng madaling-araw sa Pasay City. Dahil sa nagbabagang mga bato at mga yero ng Welcome Plaza Mall, tuluyan na namang sumiklab ang sunog makaraang unang mabagsakan ang bahay ni Brgy. Chairman Jimbo Palomares sa Celedonia St., panulukan ng Decena St. dakong alas-3:40 ng madaling-araw na naging sanhi upang kumalat ang apoy at tumupok sa mga katabi pang kabahayan sa naturang lugar.
Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan sa naturang sunog dahil sa maagap na paghahanda ng mga naninirahan sa likurang bahagi ng naturang mall matapos magsimulang magbaga ang mga bato habang nasa kasagsagan ang apoy na tumutupok sa loob ng apat na palapag na gusali.
Magugunita na nahirapan ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Fire Volunteers na apulahin ang sunog na tumupok sa naturang mall na kinalalagyan din ng Puregold Supermarket bunga ng napakakapal na usok sa loob ng gusali.
Inabot ng mahigit 24-oras ang sunog na tuluyang tumupok sa gusali ng Welcome Plaza at sa may 10-pang kabahayan sa likod nito bago tuluyang naapula dakong alas-5:57 ng madaling-araw kahapon. Inaalam din ng mga imbestigador ang kumalat na balita na posibleng sinadya ang sunog dahil matagal na umanong plano na patayuan ng mas mataas na palapag na gusali ang lugar subalit naaantala bunga ng napakaraming tenant o umuupa na tumututol na umalis dito. (Lordeth Bonilla)