Daan-daang mga pasahero ang na-stranded, habang isang fire volunteer naman ang itinakbo sa pagamutan makaraang kapusin ito ng hininga sanhi ng makapal na usok nang lamunin ng apoy ang buong apat na palapag na gusali ng Welcome Plaza Mall, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Habang isinusulat ang balitang ito, kahapon ng hapon ay patuloy pa ring nagliliyab ang apoy sa nasabing mall na nagsimulang masunog dakong alas-2 ng madaling-araw.
Batay sa ulat, nagsimula ang apoy sa main entrance 1 ng naturang mall.
Sa panayam naman sa security guard ng mall na si Inocensio Geroca, 35, una umano niyang napuna ang usok sa entrance 1 na nasa left wing ng Welcome Plaza Mall, dating Masagana Supermart na nasa tapat ng bagong tayong Pasay City Public Market, Taft Avenue, Pasay City. Kabilang sa natupok ang Puregold Supermarket.
Pasado alas-3 ng hapon kahapon ay hindi pa rin ito tuluyang idineklarang “fire-out” ng mga pamatay-sunog ang apoy, dahil naman sa makapal na usok na lumalabas sa mall ay pansamantalang pinatigil ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang biyahe ng LRT-1 sa Baclaran, Libertad Station, Gil Puyat at mula Gil Puyat, Libertad Station hanggang Baclaran mula pa alas-7:20 ng umaga hanggang sa isinusulat ang balitang ito kahapon ng hapon. (Rose Tamayo-Tesoro)