Kamatayan ang natamo ng isang enlisted na sundalo ng Philippine Army sa paggamit nito ng replica pellet gun sa tangkang pagtangay ng isang motorsiklo matapos na mabaril ng isang rumespondeng pulis, kamakalawa ng gabi sa Cubao, Quezon City.
Nasawi dahil sa tama ng bala sa kanyang likuran ang suspek na si William Bores, 41, enlisted AFP personnel na may ranggong staff sergeant at residente ng #15 1st West Crame, ng naturang lungsod.
Nakilala naman ang nakabaril na pulis na si PO1 Carlito Dagusen, nakatalaga sa District Mobile Force ng Northern Police District sa Caloocan City.
Sa ulat ni Supt. Procopio Lipana, hepe ng Quezon City Police District-Station 7, naganap ang insidente dakong alas-8:20 ng gabi sa kahabaan ng 7th Avenue malapit sa kanto ng P. Tuazon Blvd., Brgy. Socorro, Cubao.
Sa imbestigasyon, unang hinarang at tinangkang agawin umano ni Bores gamit ang isang pekeng kalibre .9mm na pellet gun ang motorsiklo na sinasakyan ni Jennifer Acebog, 22, lady guard, ng Lupang Pangako, Payatas-B, Quezon City.
Nang papatakas na ang suspek, hinablot ni Acebog ang bag ni Bores sanhi upang sumemplang ito at lumikha ng komosyon. Dito na nagtatakbo upang makatakas si Bores nang habulin ito ng mga pulis trapik kasama si Dagusen na noon ay papauwi na galing sa trabaho. Naabutan ni Dagusen ang suspect na noon ay nanutok pa ng pellet gun dahilan upang magbunot na rin ng baril ang una at paputukan si Bores na naging sanhi ng kamatayan ng huli. (Danilo Garcia)