Trader na nanagasa, namaril sa Makati, hanap pa rin
Hindi pa rin umano lumulutang hanggang sa ngayon ang prominenteng anak ng isang business tycoon na sinasabing walang habas na nagpaputok ng baril at sumagasa ng ilang sasakyan sa isang trapiko kamakalawa sa Makati City, habang patung-patong namang kaso ang isinampa na ng pulisya kahapon sa dalawang naarestong bodyguards ng una.
Sa panayam ng PSN kay Makati City Police chief, P/Supt. Gilbert Cruz, kinumpirma nito na hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin umano nagpapahiwatig ng pagsuko o nagpahatid ng anumang komunikasyon ang suspect na si Robert “Roby” Puyat Martel, may-ari ng Harrison Plaza Mall sa Maynila at anak naman ng business tycoon na si Antonio Martel Jr., upang linawin ang nasabing akusasyon laban sa kanya.
Ayon pa kay Cruz, patung-patong na kaso naman ang isinampa na sa mga naarestong bodyguards ng batang Martel na sina Juanito “Johnny” Cruz at Samson Fernandez.
Kabilang sa mga isinampang kaso laban sa mga ito ay multiple damage of properties at pagbabanta, habang wala pa naman umanong naisampang kaso laban sa negosyante at sa tatlo pang mga bodyguards nito na kasama ring pinaghahanap pa.
Pitong mga biktima o complainants naman umano ang nagtungo na sa tanggapan ni Cruz para magsampa ng demanda laban kay Martel at mga tauhan nito. Kabilang sa mga complainants ang dalawang taxi driver na sina Rodolfo Arcaina at Gales Beinbenido, isa pang motorista at ilang taga-pamahala ng Planters Bank.
Batay sa nakalap na impormasyon, ang suspect na Martel ay una nang may kinakaharap na kasong frustrated parricide na isinampa ng mismong misis nito.
Magugunita na nag-ugat ang paghahanap sa batang Martel matapos na mag-counter flow umano ito sa trapiko, binangga ang ilang sasakyan at nagpaputok pa ng baril dahilan upang muntik matamaan ang ilang empleyado at mga kliyente ng na sabing banko pasado alas-11 kamakalawa ng umaga. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending