Halos umabot sa dalawang kilometro ang haba ng pagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko makaraang sakupin ng isang nasirang tren ang mismong daanan ng mga sasakyan sa Tondo, Maynila kahapon. Sa report, dakong ala-1:38 ng hapon nang masiraan ang isang tren sa mismong gitna ng Antipolo at Abad Santos Sts., Tondo. Nabatid na galing ang tren mula South patungong North nang magkaroon umano ng mechanical problem dahilan upang tumigil at sakupin ang naturang lugar. Bunsod nito, isinara sa trapiko ang kahabaan ng Antipolo at Abad Santos Sts., at ini-divert ang trapiko patungong Solis sa direksiyon ng Rizal Avenue. Tuluyan namang bumalik sa normal ang daloy ng trapiko dakong alas-2 ng hapon makaraang mahila ito. (Grace dela Cruz)
Milyong halaga ng ari-arian tupok sa Makati fire
Tinatayang milyun-milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy sa naganap na sunog, kahapon ng umaga sa Makati City. Sa kabila ng walang humpay na malakas na ulan at pagbaha ay nagawang tupukin ng apoy ang isang magarang bahay sa Neptune St., Bel-Air, nabanggit na lungsod dakong alas-7:23 ng umaga. Umabot sa 4th alarm ang nasabing sunog na tumagal nang mahigit isang oras bago naapula ng mga pamatay-sunog. Pag-aari umano ng pamilya Viola ang nasabing bahay at kasalukuyang wala ang mga ito nang maganap ang nasabing insidente. Tanging ang mga katiwala lamang umano ng pamilya ang naiwanan nang sumiklab ang sunog. Lumalabas naman sa paunang pagsisiyasat ng Makati City Fire Station na nagsimula ang apoy sa kisame ng kusina ng bahay kung saan patuloy pang isinasagawa ng mga arson investigators ang posibleng pinag-ugatan ng sunog. Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)