Hindi aabot sa Metro Manila ang bomb threat ng mga teroristang grupo kabilang ang Jemaah Islamiyah (JI) sa Mindanao kaugnay ng napipintong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Batasan Complex sa Quezon City sa darating na Hulyo 28 .
Ito ang inihayag kahapon ni AFP-NCRCOM Spokesman Captain Carlo Ferrer sa mga pangambang pananabo tahe sa SONA ni Pangulong Arroyo ng mga teroristang grupo.
Ang nangyayari umano sa Mindanao ay hindi mangyayari sa Metro Manila, ayon pa kay Ferrer kasabay nang pagsasabing wala rin silang nakikitang banta ng kudeta.
Nauna nang nagpalabas ng travel advisory ang Estados Unidos sa mamamayan nito sa bansa na iwasan muna ang pagbiyahe sa Mindanao dahilan sa nananatili ang ‘bomb threat ‘ sa lugar na kilalang pinagtataguang balwarte ng JI.
Sa kabila nito, tiniyak ni Ferrer na patuloy ang kanilang monitoring sa galaw ng mga teroristang grupo upang mapigilan kung sakali mang magtangka ang mga itong manabotahe sa SONA.
Samantala, iba na rin umano ang nakahanda kaya maging ang mga tangke ng militar ay ipoposte rin sa Camp Aguinaldo na handang magresponde sa oras na kailanganin. Gayundin tutulong ang AFP-NCRCOM sa pagsasagawa ng chokepoints at checkpoints sa mga istratehikong lugar sa Metro Manila. (Joy Cantos)