Wanted ngayon ng pulisya ang isang prominenteng negosyante makaraang mag-counter flow ito sa trapiko, binangga ang mga kasalubong na sasakyan at nagpaputok pa ng baril dahilan upang muntik-muntikang matamaan ang ilang empleyado at mga kliyente ng isang banko, kahapon ng umaga sa Makati City.
Sa panayam kay Makati City Police chief Supt. Gilbert Cruz, hindi na muna umano niya ilalahad ang pangalan ng nasabing negosyante, habang pinaghahanap pa ito. Sinasabing nagmamay-ari ito ng isang mall sa Maynila.
Gayunman, dalawang tauhan nito ang hawak na ng pulisya. Isa ay kinilalang si Johnny Cruz.
Batay sa ulat, pasado alas-11 kahapon ng umaga nang unang sumalungat sa daloy ng trapiko ang nasabing suspect habang sakay ito ng isang Ford Expedition na may plakang EXP-703, kabuntot ang kanyang back-up na isa ring Ford Expedition na umano’y may plaka namang XPP-191 sa harapan ng RCBC Plaza at embahada ng Saudi Arabia sa H.V. dela Costa St., nabanggit na lungsod.
Habang kabuntot umano ng suspect ang kanyang back-up at sa kabila ng walang humpay na pagpaalarma ng wang-wang nito ay hindi umano nagbigay-daan ang isang taxi dahilan upang banggain ito ng sasakyan ng una na sumalungat sa daloy ng trapiko.
Dito ay bumaba umano ang suspect at agarang sinita at matapang na kinompronta ang nagitla na taxi driver.
Sa gitna umano ng komprontasyon ay biglang bumunot ng baril ang suspect at nagpaputok ito dahilan upang balutin ng sindak ang iba pang motorista at mga bystander sa lugar.
Matapos nito ay agad na pumasok umano sa Avignon Tower sa H.V. dela Costa St. corner San Agustin ng Makati City ang suspect kung saan ay agad namang isinara ng security guard dito ang pinto ng gusali nang mag-responde ang mga pulis sa pangunuguna ni Supt. Manny Santos at tangkang arestuhin ang una.
Bunga ng nasabing komosyon ay agad namang nagtungo sa lugar si Cruz upang personal na atupagin ang nasabing insidente at arestuhin ang nasabing gwardiya na humarang sa grupo nina Supt. Santos na umano’y napilitan lamang umanong isara ang pinto ng gusali nang pati ito ay tutukan din ng baril ng nabanggit na negosyante.
Samantala, nag-reklamo naman sa pulisya ang pamunuan ng Planters’ Bank makaraang pumasok at tumama sa ikatlong palapag ng kanilang gusali ang bala na nagmula sa baril ng suspect na muntik namang makatama sa ilang mga empleyado dito.