Sabay-sabay na nagbitiw sa kanilang pinamumunuang komite sa konseho ang may 24 na konsehal ng Maynila bilang pakikisimpatiya sa kasamahang konsehal na binitbit ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa pagtangging lisanin ang Vitas slaughterhouse o ang pinag-aagawang Dealco Inc. na pinatatakbo ng pamilya Alcoreza.
Nabatid na 12 lamang sa 36 na konsehal ang hindi nakisimpatiya sa nasabing pagbibitiw.
Nanguna naman sa nasabing pagkilos si Council Majority Floorleader Manuel “Letlet” Zarcal na sinundan nina Councilors Ma. Lourdes Isip-Garcia, Jocelyn Dawis-Asuncion, Marlon Lacson,Victoriano Melendez, Rolando Sy, Ernesto Rivera, Moises Lim, Numero Lim, Amalia Tolentino, Louisito Chua, Jocelyn Quintos, Erick Ian Nieva, Monina Silva, Corazon Gernale, Ma. Sheilah Lacuna-Pangan, Raymundo Yupangco, Ivy Varona, Rolando Valeriano, Arlene Koa, Ramon Morales, Joel Chua at Christina Isip.
Kinondena ng mga konsehal ang nasabing pagbitbit kay Konsehal Dennis Alcoreza at kapatid nitong si Joy, executive Vice President ng Dealco Co.,na pag-aari ng kanilang ama na si Delfin.
Samantala,sinabi naman ni Manila Vice Mayor Francisco Domagoso, alyas Isko Moreno ,karapatan ng mga konsehal ang kanilang ginawa,bagama’t kinakailangan na muling mag-organisa ang mga konsehal.
Kasunod nito, bago pa matapos ang regular session kahapon, agad ring nagbotohan para sa bagong komite ang mga nasabing konsehal at muling naitalaga din sila sa dating pwesto sina Zarcal bilang Majority Floorleader pa rin, Lacson bilang Pro-Tempore, maliban kay Honey Lacuna, na naalis na sa kaniyang pwesto sa komite, bagong minority leader naman si Pangan, na pinalitan si Edward Maceda, na hindi sumama sa nasabing kilos protesta. (Ludy Bermudo)