Misis na ’di nagre-reply sa text ni mister, binaril
Ang hindi pagre-reply sa text messages ang idinahilan ng isang 46-anyos na mister kaya nito nagawang barilin ang kanyang maybahay na masuwerte namang nakaligtas sa tiyak na kapahamakan sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Idinulog ng biktimang si Caroline Moreno, 43, isang real estate agent, ng 3680 Kalinga St., Bacood Sta. Mesa ang ginawang pamamaril sa kanya ng kanyang mister sa Manila Police District-Station 8.
Nabatid na hindi pa isinusulong ng biktima ang reklamong frustrated parricide dahil naniniwala ito na pagmamahal at selos ang nagtulak sa kanyang mister upang magawa ang pamamaril.
Gayunman, hindi nakaligtas ang suspect na si Lovie Moreno, 46, operator ng pampasaherong jeep, sa kasong illegal possession na isinampa ng pulisya bunga ng narekober na kalibre 38 baril na ginamit nito.
Sa ulat, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-asawa nang dumating ang lasing na suspect at sinita ang misis sa hindi umano pagsagot sa dami ng kanyang ipinadalang text messages.
Dahil sa mainitang pagtatalo ay pinaputukan umano ng suspect ang misis na kamuntik nang tamaan sa batok. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending