EB, Wowowee at Singing Bee promotor ng sugal
Kinondena kahapon ng Simbahang Katoliko ang mga programa sa telebisyon na umano’y yumayakap na rin sa kultura ng sugal na na ging ugali na ng maraming Pilipino.
Sa pananaw ni Jaro Archbishop Angel Lagdameo, ang TV shows tulad ng Eat Bulaga, Wowowee, Singing Bee at iba pang kahalintulad nito ay isang uri ng sugal lalo’t nakukuha ang pera nang madalian.
“Yung mga ganyang games ay easy to get rich. Parang sino man ang manalo ng malaking halaga ay nagkakaroon ng sentimyento na madaling makakuha ng pera at komo ang perang ito ay hindi pinaghirapan o hindi pinagsikapan, maaring mangyari na madaling mawala,” sabi pa ni Lagdameo.
Aniya pa, nasa kultura na ng mga Pilipino ngayon ang pagsusugal na kahit ang mga resibo sa mga binayarang produkto o serbisyo ay ipinara-raffle para mapilit din na magbayad ng tax.
Isa umanong palatandaan ng paghihirap ng maraming Pilipino ang pagkagumon sa sugal sa lahat ng paraan.
Tulad ng pananaw ni Lagdameo, pinuna ni Cebu Archbishop Ricardo Cardinal Vidal na ang mga dagliang pera na papremyo sa mga tao ay isang uri ng sugal dahil dumedepende na lamang ang tao sa suwerte.
Bukod pa aniya sa sugal, iskandaloso rin umano ang atraksiyon ng mga babaeng dancer sa TV shows na maiiksi ang mga damit na hindi na gumagalang sa religious sensitivity ng ibang audience.
Naniniwala ang dalawang arsobispo na kahit may sariling regulasyon ang mga TV network, dapat ay maturuan sila kahit ang sinasabi umano ng mga host nito ay ang kagustuhan ng mga tao o manonood ang kanilang sinusunod. Hindi naman umano lahat ng tao ay gusto ang ganitong uri ng palabas.
- Latest
- Trending