PUP pumalag sa ‘You Tube’ version ng gang rape
Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang ‘YouTube’ video sa internet na sinasabing eksena sa naganap na ‘gang rape’ na kinasasangkutan ng mga estudyante umano ng eskwelahan.
Sinabi ni Dr. Dante Guevarra, Presidente ng PUP, na ang may kagagawan ng pag-upload ng video ay nais lamang sirain ang reputasyon ng eskwelahan kaya sinadya ang pagpapakalat ng video, sa kabila ng ‘edited’ at mga ‘still photos’ umano ito upang magmukhang nakunan ng video ang sinasabing ‘gang rape’.
“It is very obvious that the person/s who edited and uploaded the still photos using “moviemaker” does, do not just want to discredit the personality of the victim but the good name of the university,” ani Guevarra.
Ani Guevarra, inatasan niya ang PUP-College of Computer Management and Information Technology (PUP-CCMIT) at Information and Communication Techonology Center (ICTC) na aksiyunan upang pigilan ang pagpo-post o uploading ng nasabing video.
Kasabay nito, umapela din si Guevarra sa mga mamamahayag na huwag nang i-sensationalize ang isyu lalo na sa aspetong sekswal .
Tiniyak ni Guevarra na sa isang linggo ay ilalabas nila ang resulta ng kanilang sariling imbestigasyon hinggil sa isyu ng gang rape ng binuo nilang Fact-Finding committee.
Una nang inakusahan ng isang 16-anyos na freshman student ng PUP ang mga kaklase nito na naghalinhinang gumahasa sa kanya sa loob ng isang silid ng campus, pinagamit siya ng iligal na droga, isinakay sa van at dinala sa isang bahay at muling ginahasa. Bukod pa rito ay ang akusasyong kinunan ng video ang isinasagawang rape ng mga responsable umano sa panggagahasa.
- Latest
- Trending