Humihingi ng pondo ang state-run Metro Rail Transit 3 (MRT3) para ipambili ng may 73 bagong tren kasunod ng pagdami ng pasaherong sumasakay dito.
Sinabi ni Lysa Blancaflor, MRT spokesperson ng MRT, humiling sila ng kaukulang pondo sa National Economic and Development Authority (NEDA) para ipambili ng may 73 na mga bagong tren.
Ang mga bagong tren, aniya, ay ipampapalit sa 20 lumang tren na nagbibigay ng serbisyo mula North Avenue Edsa sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay at vice-versa
Sinabi ni Blancaflor, inaasahan ng MRT management na sa mamadaliin ng NEDA ang pagkakaloob ng kaukulang pondo para dito upang higit na mapabilis at mapahusay ang serbisyo nito sa libu-libong pasahero bawat araw. Idinagdag pa ni Blancaflor na ang pagbili ng mga bagong tren ay nangangahulugan ng malaking matitipid na pondo sa maintenance.
Noong katapusan ng Mayo 2008, ang MRT train ay may average na 506,000 pasahero sa kada araw samantalang ang pinakamataas na bilang ay naitala noong Abril 18 na may 523,803 na pasahero.
Sa parehong panahon nitong nakaraang taon, ang MRT ay may 466,000 pasahero sa may pasok na araw na ang pinakamataas na naitala ay noong Enero 12, 2007 na may bilang na 475,193. (Angie dela Cruz at Rose Tamayo)