Niyanig ng lindol na may magnitude-5.4 ang bahagi ng Metro Manila at ilang lalawigan ng Luzon kahapon ng alas-9:42 ng umaga.
Ayon sa Philippine Institute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang epicenter ng lindol ay may lalim na 13 kilometro ng Philippine Sea at nakita sa may 98 kilometro ng timog silangan ng Baler Aurora province.
Naitala din ng US geological Survey (USGS) na ang epicenter ng lindol ay nasa 185 kilometro ng silangan hilagang silangan ng Maynila o 160 kilometro ng hilaga ng Brgy. San Pedro Lopez, Quezon province, malapit sa epicenter ng lindol na naganap noong nagdaang araw ng Linggo Hulyo 6.
Malaki ang paniwala ni Joan Salcedo, seismologist ng Phivolcs na ang naramdamang paglindol kahapon ay aftershocks ng lindol na naramdaman noong nakaraang Hulyo 6.
Bunsod nito, naitala ng Phivolcs ang lindol kahapon sa lakas na Intensity 4 sa Baler, Intensity 3 sa Baguio City at Dingalan Aurora, at Intensity 2 sa Lucban, Quezon.
Naitala naman ang lindol na may lakas na intensity 4 sa Maynila at Quezon City at intensity 3 sa Makati city.
Ang lindol ayon kay Salcedo ay dulot ng paggalaw ng isang fault line malapit sa Aurora.
Dinagdag pa nito na mula nang maganap ang lindol noong nakaraang linggo, may mahigit sa 130 aftershocks ang kanilang naitala pero dalawa lamang dito ang naramdaman ng mga tao. (Angie dela Cruz)