Nasa “hot water” ngayon ang mga opisyal at ilang tauhan ng Pasay City Police Special Operation Unit makaraang masangkot sa marahas na pagdakip at pagkamatay sa kanilang kamay ng isang bading nitong nakalipas na Linggo ng madaling-araw.
Ayon kay Pasay City Police Chief, Supt. Marieto Valerio, pinagpapaliwanag nito sina Supt. Reynaldo Ulic, hepe ng SOU, Chief Insp. Joey Goforth, night supervisor ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) pati ang imbestigador na si PO2 Giovanni Arcine at mga kagawad ng SOU na sina SPO1 Claro Ventura, SPO1 Merle Guevarra, SPO3 Joselito Lopez at PO2 Richmond Tobio.
Batay naman sa memorandum ng Inspectorate Division, pinagsusumite ng written explanation ang mga nabanggit na opisyal sa loob ng 48-oras kung bakit hindi sila nararapat na patawan ng administrative disciplinary action kaugnay sa pagkamatay ng isang bading na si Raul Ortega, 23, helper, residente ng #204 Santos Village, Las Piñas City; na nahuli kasama ang anim pang bading sa madilim na bahagi ng Roxas Blvd. sa tapat ng Japanese Embassy, Pasay City.
Kaugnay naman ito sa sinumpaang salaysay ni Mark Sevellano Jr., 22, food server, ng G. Villanueva St ., Pasay City na kabilang din sa mga naaresto na tatlong beses umanong sinuntok ng mga pulis sa dibdib ni Ortega na naging dahilan ng pagkamatay nito.
Ayon kay Valerio, sakaling lumabas sa autopsy report at mapatunayan na pambubugbog ang naging dahilan sa pagkamatay ng biktima, mananagot ang mga naturang opisyal bunga ng kapabayaan at mahaharap rin ang mga ito sa kasong kriminal at administratibo.
Magugunita na kabilang si Ortega sa mga naarestong sina Julius Labadan, 32, food server, ng 108-C David St., Pasay City, Ben Lowell Bacon, 25, ng 57 Lot 6, Villa Apollonia, Naic, Cavite, June Savellano, 22, food server ng 307 G. Villanueva St., Pasay City; Robert Morico, 28, #307 G. Villanueva St., Pasay City; Domingo Mariano, 28 ng 57 Russel St., Pasay at Ferdinand Briones, 28, Campus Minister, ng 2344 Tramo/Celeridad St., Pasay City.
Inaresto ang mga suspect na umano’y nagsasagawa ng “sex trip” at kalaswaan sa harapan ng publiko sa kahabaan ng Roxas Blvd., Pasay City. Makaraan ang ilang oras matapos maaresto ay nasawi sa detention cell ng Pasay City Police si Ortega bunga ng paninikip ng dibdib. (Rose Tamayo-Tesoro)