Isang negosyante ang binaril ng isa sa tatlong holdaper matapos itong manlaban kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Sugatan at ginagamot sa Manila Central University Hospital sanhi ng tama ng bala sa kanang balikat ang biktimang si Peter Siabocion, 38, ng JVC compound sa 201 Gov. Pascual Avenue, Tugatog ng lungsod. Mabilis namang tumakas at pinaghahanap ang tatlong suspect.
Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa loob ng grocery ng biktima, na matatagpuan sa nabanggit na lugar. Walang kamalay-malay ang biktima nang looban siya ng tatlong suspek at nagdeklara ng holdap. Dahil dito pumalag ang biktima, kung kaya’t isa sa tatlong suspek ang bumaril sa kanya.
Matapos makulimbat ng mga holdaper ang gintong kuwintas ng biktima, mabilis na nagsitakas ang mga ito. (Lordeth Bonilla)