Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng Manila Police District (MPD) kaugnay sa pagkamatay ng isang faculty member ng University of the East (UE) na nadiskubreng nangangamoy na ang katawan sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na nakilalang si Joseph Lachica, tinatayang 33-38 anyos, faculty member ng Secondary Laboratory School ng UE at pansamantalang nanunuluyan sa Room 223 #862 Gonzales Puyat St., corner De Guzman St., Quiapo, Manila ay hinihinalang dalawang araw nang patay.
Batay sa imbestigasyon ni Det. Benito Cabatbat ng MPD-Homicide Section, dakong alas-7:30 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang kuwarto.
Ayon kay Danilo Lim, caretaker ng building, huli nitong nakitang buhay ang biktima noong Hulyo 2 kung saan nagbayad pa sa kanya ng upa sa kanyang kuwarto.
Gayunman, pinapalagay na buhay pa ang biktima noong hapon ng Hulyo 4, Biyernes kung saan umalis ang boardmate nito na si Gell, isang security guard ng UE patungong Pangasinan. Kamakalawa ng gabi, hindi natiis ng iba pang nangungupahan sa nasabing building nang nakaamoy sila ng masangsang na nagmumula sa kuwarto ng biktima.
Naiwanan ding bukas ang pintuan sa kuwarto ng biktima at nang puntahan ng ilang boarders ay tumambad sa kanila ang naaagnas nang katawan ng biktima. (Grace dela Cruz)