Pinahihinto ng abogado ng mga suspek sa naganap na gang-rape ng 16-anyos na estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa pagpapalabas ng anumang impormasyon kaugnay sa insidente.
Sa liham na ipinadala ni Atty. Melanio “Batas” Mauricio Jr., kay MPD Director General Roberto Rosales, hiniling nito na pahintuin ang pulisya sa pagbibigay ng anumang impormasyon sa media kaugnay sa progreso o anumang nagaganap sa nasabing kaso.
Ikinatuwiran ni Mauricio na hanggang hindi naibababa ang hatol ng piskalya sa kanyang mga menor-de-edad na kliyente ay maituturing pa rin na inosente ang mga ito at hindi dapat na pagkakaguluhan ng media ang ganitong uri ng kaso.
Aniya, sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, binibigyan ng karapatan ang mga menor-de-edad na suspek sa anumang uri ng kaso na magkaroon ng pribadong buhay at walang impormasyon ang dapat na makalabas sa media.
“Indeed, statements released to the media about the case, which are purely derogatory, have the effect of prying into the privacy of the students involved and destroying the confidentiality of the proceedings,” ani pa rin sa liham.
Nilinaw pa rin ni Mauricio na dapat umanong ang korte o ang piskalya muna ang unang makaalam kung mayroon mang progreso sa naturang kaso na iniimbestigahan ng pulisya at hindi muna ang media. Ipinaliwanag pa rin ni Mauricio na ipinadala nito ang liham kay Rosales bunsod na rin ng kahilingan ng pamilya ng mga suspek na sangkot dito upang patuloy na maprotektahan ang kani-kanilang mga anak sa anumang kahihinatnan ng nasabing kaso.
Magugunita na ang pulisya na mismo ang nanawagan sa mga kaibigan at classmates ng kapwa biktima at mga suspek na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang mapadali ang pagresolba sa nasabing kaso. Ito ay matapos na mapalaya ang unang apat na suspek na inaresto ng pulisya makaraang hindi ito maituro ng biktima.
Naganap ang nasabing panggagahasa sa biktimang 1st-year student at kumukuha ng kursong Business Administration sa PUP noong Hunyo 25 hanggang 27 sa loob ng isang classroom sa nasabing unibersidad.