Dahilan sa matandang alitan, isang sales agent ang namatay samantalang sugatan naman ang anak nito matapos silang pagsasaksakin ng 70-anyos na bayaw ng una kahapon ng umaga sa Sta. Ana Maynila.
Namatay habang ginagamot sa Lourdes Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Armando Balbon, 59, ng 2269 G. Tejeron St., Sta. Ana ng nasabing lungsod habang kasalukuyan pa ring ginagamot dito ang anak nito na si Alexander, 35, isa ring sales agent.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na si Arturo Cabal, bayaw ni Armando na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:15 ng umaga nang naganap ang insidente sa eski nita sa Interior Alley sa tabi ng San Lorenzo Ruiz Chapel sa G. Tejeron St., Sta. Ana.
Bago umano maganap ang insidente ay kasalukuyang naglalakad ang mag-ama sa naturang lugar nang lapitan sila ng suspek at walang sabi-sabing nilapitan si Balbon at pinagsasaksak ito habang sinisigawan nito na “Sinungaling ka”.
Tinangka namang tulungan ni Alexander ang ama subalit siya naman ang binalingan at sinaksak ng suspek subalit hindi nito napuruhan dahil nasalag nito ang ilang saksak gamit ang isang upuang plastik.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na matagal nang may awayan ang dalawa na posibleng motibo sa krimen. (Gemma Amargo-Garcia)