Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagbaba ngayon ng presyo sa bentahan ng shabu sa kalsada ng hanggang 50 porsyento average sa Luzon.
Sa panayam ng PSN, sinabi ni PDEA Director General Sr. Undersecretary Dionisio Santiago Jr. na ito’y dahil sa posibilidad na pagdagsa muli ng suplay ng shabu sa black market matapos na masabat ang malaking ibinagsak na suplay sa Subic Bay sa Pampanga kamakailan.
Nangangamba si Santiago na bukod sa nakumpiska ng Presidential Anti-Smuggling Group na 741 kilo ng shabu, maaaring marami pa sa naturang iligal na droga ang nakalusot sa pagbabantay ng mga awtoridad sa Subic at naipuslit ng sindikato sa buong Luzon at Metro Manila.
Sinabi rin nito na may mga ulat silang natatanggap na nakalabas na sa bansa ang nakatakas na dealer ng nakumpiskang shabu na si Anton Ang, pero may mga ulat din na nasa bansa pa ito. Ito ngayon ang kanilang tinu tutukan.
Hindi na rin naman mahanap ng PDEA at iba pang ahensya ng Pilipinas ang barkong pinaglulanan ng naturang mga droga dahil sa maaaring napalitan na ito ng pangalan at pintura nang makalabas sa bansa. (Danilo Garcia)