Dahil sa inubos ang kanyang biniling isang kahang sigarilyo, sinaksak ng isang lalaki ang dalawa niyang kainuman kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Arestado ng pulisya ang suspek na nakilalang si Rolando Chavez, 45, ng Espiritu St., Pasay City. Ito ay nahaharap sa kasong double frustrated homicide. Nasa kritiikal na kondisyon at ginagamot naman sa Pasay City General Hospital ang mga biktimang sina Carison dela Cruz, 23, cook, at Mark Philip Pereyras, 21, na kapwa nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa kahabaan ng Espiritu St., ng nabanggit na siyudad. Nabatid na masayang-masayang nag-iinuman ang mga biktima at suspek nang mapuna ng huli na ubos na ang kanyang biniling isang kahang sigarilyo dahilan upang magwala ito. Kaya’t inawat ito ni Dela Cruz at sa halip na magpaawat, inundayan nito ng saksak ang kainuman. Umawat naman si Pereyras subalit maging siya ay pinagdiskitahan din ng suspect. Papatakas na ang suspect subalit inundayan niya ito ng rumespondeng mga tauhan ng pulisya. (Lordeth Bonilla)