Patay ang apat sa limang miyembro ng kilabot ng grupong “Bordado Gang” na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng hol dapan sa ilang lugar sa Metro Manila matapos na makipagpalitan ng putok sa mga pulis sa isang check-point kahapon ng umaga sa Taguig City.
Base sa ulat naganap ang insidente dakong alas-11 ng umaga malapit sa 22nd MacKinley, Parkway, Fort Bonifacio, ng nabanggit na lungsod matapos na makatanggap ng tip ang mga pulis na may aali-aligid na mga armadong kalalakihan sa nabanggit na lugar, na pawang sakay ng isang maroon Toyota Revo at motorsiklo.
Agad na nagsagawa ng operasyon at check-point ang pinagsanib na puwersa ng Taguig City Police at Southern Police District Office (SPDO) at positibo nga na ang mga suspek ay nasa target area. Dito na nagkaroon ng habulan, hanggang sa pinaputukan ng limang suspek ang mga pulis na humahabol sa kanila kaya napilitan na rin ang mga awtoridad na gumanti ng putok. Dalawa sa mga suspek ang kaagad na binawian ng buhay at ang dalawa naman ay dead-on-arrival sa Ospital ng Makati, habang ang isa pa ang mabilis na nakatakas. Hanggang sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang pangalan ng mga nasawing suspek na pinaniniwalaang kabilang sa “Bordado Gang”.
Ayon pa rin sa report, ang mga suspek ay sangkot sa ilang serye ng holdapan sa ilang lugar ng Kalakhang Maynila.