Matapos na tumaob kamakalawa ang isang trak na may kargang ethanol ay isang dump truck naman na puno ng buhangin ang tumaob sa nasabi ring lugar sa Efipanio delos Santos Avenue (EDSA), kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Batay sa ulat, pasado alas-3 din ng madaling-araw nang tumaob ang dump truck na may plakang XJV-109 na minamaneho ng isang Pantaleon Sanchez sa Ayala, nabanggit na lungsod. Kumalat sa nasabing lansangan ang kargang buhangin ng nasabing trak dahilan upang halos pitong oras na humaba ang pila ng mga sasakyan mula Service Road ng EDSA sa Ayala Avenue hanggang sa Guadalupe ng Makati City.
Pasado alas-8 ng umaga nang tuluyang maligpit ang kumalat na buhangin at mahila ng isang crane ang tumaob na trak saka pa nadaanan ng mga motorista ang nasabing lansangan. Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng Makati Traffic Police na sumalpok sa center island ng kalsada ang dump truck nang mawalan ito ng giya dahilan upang matanggal ang isang gulong nito, tumaob at kumalat ang kargang buhangin sa gitna ng daan. Galing umano ng Floridablanca sa Pampanga. (Rose Tamayo-Tesoro)