Nasa malubhang kalagayan ang isang pulis makaraang pagbabarilin ito ng kanyang kabaro matapos na magkaroon ng mainitang pagtatalo dahil sa nahuling tulak ng iligal na droga kamakalawa ng gabi sa Marikina City. Ayon kay Supt. Sotero Ramos Jr., hepe ng Marikina police, bukod sa kasong frustrated homicide at administratibo ay agad nitong inirekomenda ang pagsibak sa tungkulin habang iniimbestigahan ang kaso laban sa suspek na si PO3 Ferdinand Brubio, 39, matapos na barilin ng dalawang ulit ang kasamahang si SPO1 Ronald Milla, 31, kapwa nakatalaga sa Station Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force (SAIDSOTF) na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa mukha at leeg at kasalukuyang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa harapan ng Marikina Police Headquarters na matatagpuan sa Brgy. Sta. Elena ng nasabing lungsod matapos magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang pulis dahilan upang bunutin ni Brubio ang kanyang 9mm service firearm at dalawang beses binaril si Milla.
Lumalabas sa ginawang imbestigasyon na inggit ang pinagmulan ng nasabing pamamaril ni Brubio kay Milla matapos na maunahang madakip ng huli ang drug pusher na si Eligio Muyco, 29, na matagal na ring tinatrabaho ni Brubio.
Kasalukuyang nakapiit si Brubio sa Marikina detention cell habang patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso. (Edwin Balasa)