Ang simpleng panluluko ay nagiging epektibo umano sa mga taong walang kamalayan sa modus-operandi ng mga sindikato, ito ay matapos na matangay ng grupo ng “Budul-Budol Gang” ang malaking halaga ng mga alahas ng isang pamilya, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Nanlulumong nagtungo sa himpilan ng pulisya si Arden Acibar, 20, estudyante, residente ng Villa Nicasia 1, Imus, Cavite, matapos matangayan ang kanyang pamilya ng mahigit sa tinatayang P.1 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng alahas.
Batay sa pahayag ni Acibar, dakong alas-3 kamakalawa ng hapon, una siyang nakatanggap ng tawag sa kanyang landline mula sa isang hindi nagpakilalang babae na nagsabing ang kanyang pinsan na si Chistine Joy Dante, 28, government employee ay malubha matapos na maaksidente sa Makati City.
Ayon sa tumawag, kinakailangan ng pasyente ng malaking halaga ng salapi para matustusan ang pangangailangan sa medisina at operasyon ng kanyang pinsan na nilalapatan ng lunas sa isang ospital.
Dahil wala umano silang malaking halaga ng salapi, inutusan umano siya ng babae na kunin ang kanilang mga alahas pati na ang alahas ni Christine Joy na nakalagay sa loob ng cabinet.
Agad namang nakipagkasundo ang suspect sa pamilya Dante na makipagkita sa harap ng Heritage Hotel, EDSA Ext., Pasay City para iabot ang mga alahas na isasanla sa pawnshop. Sa hagdanan ng hotel, bago mag-alas-5 ng hapon ay sinalubong sila ng isang babae na may taas na 5’2”, payat, kayumanggi, hanggang balikat ang haba ng buhok at sungki ang mga ngipin.
Nagmamadali umano ang suspect na kinuha ang mga alahas na nakalagay sa isang envelop at inutusan ang mga biktima na maghintay para maisanla ang mga alahas.
Ang suspect ay agad na mag-isang naglakad patungo sa Rotonda Taft Avenue pero inabot na umano ang mga biktima ng gabi ay hindi na bumalik ang pinagkatiwalaang babae.
Nang umuwi naman sa kanilang bahay, laking-gulat ng mga pamilya nang madatnan nilang nag-aantay sa kanilang pag-uwi ang isang malakas at masiglang si Christine Joy na sinasabi ng suspect na naaksidente. (Rose Tamayo-Tesoro)