Lider ng drug syndicate, timbog
Arestado ang sinasabing lider ng isang sindikato ng ilegal na droga matapos na salakayin ang pinagtataguan nitong bahay at makuha sa kanyang posesyon ang nasa isang kilo ng shabu kahapon ng umaga sa lungsod ng San Juan.
Iprinisinta kahapon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Undersecretary Dionisio Santiago Jr. ang nadakip na si Sadjari Amiril, alyas Salip Amiril, lider ng notoryus na grupong Sakidal Group.
Sa ulat ni PDEA-Complaint and Reaction Unit chief, Major Valentino Lopez, naaresto ang suspek matapos na salakayin nila ang pinagtataguan nitong bahay sa #105 A. Lake street, Brgy. Balon Bato, San Juan City dakong alas-5:30 kahapon ng umaga.
Isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Thelma Ponferrada ng Quezon City Regional Trial Court. Dito nakumpiska ang tinatayang may isang kilo ng shabu, mga plastic sachet na gamit sa re-packing at isang pulang Mitsubishi Pajero (UMT-139) na gamit umano ng suspek sa iligal na operasyon.
Ayon kay Santiago, ang grupong Sakidal Group na nakabase sa Jolo, Sulu ay sangkot sa pag-eexport ng shabu sa Malaysia. Kasama rin ang grupo sa PDEA Target List sa mga local na grupo at nakalista na number 1 si Amiril sa PDEA Region 9 most wanted.
- Latest
- Trending