Arestado ang pitong hijackers makaraang maaktuhang kinukulimbat ng mga ito ang mga yero na nagkakahalaga ng isang milyong piso mula sa isang trailer truck na inililipat naman sa isang pampasaherong jeep kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Benafred Mamalias, 21; Tony Sayson, 33; Rodel Millete, 43; Emilio Mascardo, 40; Tomas Reyes Jr., 44: Ferdinand Decierdo, 24, at ang lider ng mga ito na si Benjamin Serrano, 33, pawang taga-Trece Martirez at General Trias, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11:20 ng gabi nang makatanggap sila ng tawag sa telepono kung saan may mga kalalakihang naglilipat ng mga yero mula sa isang trailer truck papunta sa isang jeep sa madilim na bahagi ng Dagat-Dagatan Avenue, Caloocan City. Mabilis silang rumesponde sa nasabing lugar at doon naaktuhan ang hindi na nakapalag pang mga suspek.
Nabawi ng mga pulis ang aabot sa P1M halaga ng GI Sheet, trailer truck (PUF-289) na pag-aari ng isang Anita Tan at pampasaherong jeep (DTX-401) na pag-aari ng suspek na si Reyes Jr. Nakuhanan din ng magnum .44 si Mascardo at kalibre .38 na paltik naman ang nakuha kay Decierdo. Nabatid na hinayjack ng mga suspek ang nasabing truck sa GMA Cavite, dakong alas-9 kamakalawa ng umaga. (Lordeth Bonilla)