Nagkagulo ang mga naka-check-in sa isang motel matapos itong lamunin ng apoy kung saan tinatayang nasa P1 million halaga ng mga ari-arian ang naabo sa sunog na naganap kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nagtuturuan naman ang pamunuan ng Glonardian Lodge at katabi nitong Diesel Calibration Services sa #319 EDSA kung kanino nagsimula ang sunog.
Sa pagsisiyasat ni SFO3 Alex Marquez, alas-11:42 ng gabi nang magsimula ang sunog sa pagitan ng dalawang nasabing establisimiyento. Agad na kumalat ang apoy kung saan alas-12:45 na ng madaling-araw nang maapula ito.
Wala naman naiulat na nasaktan o nasawi sa nasabing sunog kung saan tinatayang aabot sa P1M halaga ng ari-arian ang natupok ng apoy. (Lordeth Bonilla)