Dahil sa hindi pagbabayad ng kinaing hapunan, dalawang mister ang nasa malubhang kalagayan makaraang kapwa undayan ng saksak ng kanilang barangay chairman, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Kapwa nilalapatan ng lunas sa intensive care unit (ICU) ng Pasay City General Hospital bunga ng mga saksak sa dibdib ang mga biktimang sina Enrico Buganan, 48, pintor, at Ferdinand Duterte, 30, kapwa residente ng 1918 Tramo St., ng nabanggit na lungsod.
Samantala, iniimbestigahan naman sa tanggapan ng Station Investigation & Detective Management Section (SIDMS) ang Brgy. chairman na si Rodolfo Miguel ng 57, Zone 8, at ang pamangkin nitong si Christopher Miguel na kasapakat umano ng suspect sa nasabing insidente.
Nabatid sa imbestigasyon na unang nagkaroon ng pagtatalo ang biktimang si Buganan sa may-ari ng canteen na kinainan ng mga biktima na kinilalang si Aling Nelia Salas sa Tramo St., Pasay City.
Napag-alaman na si Buganan ay kumain ng halagang P36 na hapunan at hindi umano nito binayaran na naging ugat ng alitan.
Sa gitna ng pagtatalo, dumating si Kapitan Miguel at ang pamangkin nitong si Christopher at umano’y pinagtulungang suntukin ng mga ito ang biktima sa mukha, hindi pa umano na siyahan ang una at inundayan pa ng saksak sa dibdib si Buganan hanggang sa duguan itong humandusay sa lupa.
Sa puntong ito, tinangka naman ni Duterte na awatin ang kapitan, subalit siya ay pinagsasaksak din ng una sa dibdib. (Rose Tamayo-Tesoro)