Paninigarilyo bawal sa LRT
Simula kahapon ay mahigpit na ipinagbabawal na ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa publiko o mga commuters ang paninigarilyo sa mga istasyon, gusali at alinmang pasilidad partikular na sa loob ng kanilang mga tren.
Ang nasabing panukala ay pinagtibay matapos na lagdaan kamakalawa ni LRTA Administrator Melquiades A. Robles ang nasabing kautusan para sa mahigpit na implementasyon ng “No Smoking” policy sa lahat ng bisinidad na kinasasakupan ng LRTA.
Bunga nito, unang sinampolan rin ni Robles sa pagpapatupad ng nasabing kautusan ang lahat ng mga kawani ng LRTA kung saan sinabihan niya ang mga ito na huwag manigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar alinsunod sa polisiya ng pamahalaan para sa kapakanan ng kalusugan ng bawat indibidwal at sa pangangalaga ng kapaligiran.
Nabatid na base sa RA 9211 o Philippine Tobacco Regulations Act ay mahigpit na ipinagbabawal sa nasabing batas ang paninigarilyo sa lahat ng mga pampublikong lugar. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending