Labis na naalarma ang ilang mga may-ari ng consignacion sa Malabon Fish Market at Navotas Fish Port Complex na posibleng malugi o maapektuhan ang benta ng kani-kanilang kalakal na isda dahil sa paglubog ng M/V Princess of the Star na pag-aari ng Sulpicio Lines sa karagatang nasasakupan ng Romblon kung saan marami ang namatay na pasahero.
Ayon sa mga may-ari ng consignacion sa dalawang malaking bagsakan ng isda sa Metro Manila, posibleng maulit ang kanilang naranasan nang magkaroon ng sakuna sa dagat at magbanggaan ang M/V Doña Paz at oil tanker noong December 1987.
Ito’y dahil umano sa pangamba ng mga mamimili na nakakain ng karne ng tao ang mga isdang nahuhuli, kung kaya’t marami ang hindi bumili ng isda.
Nabatid pa sa mga ito, naulit din ang paghina ng benta ng kanilang isda nang muling magkaroon ng sakuna sa dagat nang lumubog ang M/V Doña Marilyn noong 1988.
Kahapon ng madaling- araw, bagama’t hindi pa naapektuhan ang benta ng isda sa dalawang lugar ay nag-aalala ang mga may-ari ng consignacion na posibleng sa mga darating na araw ay maapektuhan na ang kanilang benta. (Lordeth Bonilla)