Bentahan ng droga sa Embassy pinabubusisi

Pinaiimbistigahan ng Association of Barangay Chairmen ng Taguig ang umano’y talamak na ben­tahan ng droga at ngayon naman ay ang napabali­tang sugalan sa Embassy Club sa The Fort sa na­sabing lugar.

Sa isang liham na ipina­dala kay Taguig Mayor Freddie Tinga, sinabi ng asosasyon na nakaka­alarma ang pagkikibit-balikat ng awto­ridad sa pagbubunyag ng Australian expat na si Brian Gorell na nagsabing nagkalat ang droga sa Embassy Club particular na ang cocaine.

Maaalalang sa kanyang internet blog sa http://delfindjmontano.blogspot.com sinabi ni Gorell na malimit na tambayan ng high so­ciety na “Gucci Gang” ang Embassy Club kung saan ma­daling ma­kabili ng droga.

Sinabi ni Alfonso Juico, opisyal ng ABC, na kino­kon­dena nila ang droga sa ka­nilang lugar at patuloy nilang baban­ tayan ang ga­nitong bisyo na nakasi­sira sa buhay ng ma­raming kabataan at pamilya.

Pinai­imbestigahan din ng ABC ang umano’y sugalan sa na­sabing establisimento. Na­ pabalita kamakailan na may ga­gana­pin na 8-week series na Poker Tournament sa Em­bassy Club na magsi­simula nitong dara­ting na Hulyo.

“May ordinansa kami sa Ta­guig na nagbabawal sa sugal kaya hindi maaari ito, kaya ito’y pinaiimbesti­ga­han namin sa mga kinau­ukulan,” ani Juico.

Ang Philippine Poker Tour na nag-ooperate ng Poker games ay pinangu­ngunahan umano ni Ben dela Cruz at pag­mamay-ari ng isang Hapon na si Paul Hirakawa.

Sa isang panayam naman sa Embassy Club, sinabi ng isang empleyado nito na hu­miling na huwag nang bang­gitin ang kan­yang pangalan na pawang paninira lamang sa ka­nilang kumpanya ang mga lumalabas na balita na may droga sa Embassy Club.

“Maliwanag na paninira lamang ito ng ilang mga kam­po dahil sa tagumpay na na­ta­tamo ngayun ng Embassy Club,” pahayag pa niya.

Show comments