Biyahe ng LRT sinuspinde
Pansamantalang nahinto kahapon ng umaga ang mga biyahe ng Light Rail Transit at Metro Rail Transit dahil sa naganap na brownout sa ilang lugar sa kalakhang Maynila bunsod ng pananalasa ng bagyong Frank.
Sinabi ni Jinky Jorgio, Public Information Officer ng LRTA, na kabilang sa lubusang mga naapektuhang linya ng LRT ang Line 1 na may biyaheng Monumento-Baclaran at Line 2 na may biyahe namang Santolan-Recto.
Sinabi pa ni Jorgio na ilang poste ng kuryente ang tumumba sa lakas ng hangin at ulan na ibinuhos ni Frank kaya nagkaroon ng brownout at napahinto ang biyahe ng LRT at MRT.
Gayunman, bandang katanghalian nang magsimulang bumiyahe uli ang mga tren ng LRT at MRT makaraang bumalik ang daloy ng kuryente at malinis ang mga kalat sa riles ng tren. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending