Luminol test sa okupante sa 10th floor positibo
Positibo sa dugo ang isang tuwalya na isinailalim sa luminol test, na nakuha sa comfort room ng isang unit sa ika-10 palapag ng Gold Rich Condominium, sa Binondo, Maynila, kaugnay sa imbestigasyon sa bagong silang na sanggol na inihagis mula sa nasabing gusali na pinaniniwalaang namatay sa pagbagsak sa isang kiskisan ng palay, noong Martes, Hunyo 17.
Sa ulat kahapon ni Manila Police District-Station 11 chief, P/Supt. Nelson Yabut, ikukumpara pa nila ang nakitang bahid ng dugo sa dugo ng sanggol na nasawi. Ang kuwarto kung saan narekober ang tuwalya ay inoukupahan ng isang mag-asawa kasama ang isang katulong.
Mariin naman umanong itinanggi ng okupante rito na sila ang naghulog ng sanggol at maging ang dugong nabakas sa tuwalya nito ay pinagtatakhan din ng mag-asawa.
Maliban sa nasabing unit, isinailalim din sa luminol tests ang Rooms 904, 804, 704 at 504, na pawang negatibo sa dugo.
Naniniwala si Yabut na doon lamang maaring magmula ang inihagis na sanggol kaya’t masusing iniimbestigahan ang gusali at hihintayin ang resulta ng pagsusuri upang hindi na maitanggi pa ang krimen ng sinumang matutukoy. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending